You are here: Home / News & Updates /
News & Updates Archives
6/18/2009 11:34:54 AM
Tampok sa pagdiriwang ng ika-111 taon ng Araw ng Kalayaan ay ang pagtatalaga ng Department of Education (DepEd) sa may 9,403 na mga bagong guro at 4,500 iba pang mangagawa sa ilalim ng emergency employment program ng gobyerno.
Ayon kay DepEd Secretary Jesli Lapus, ang pagpapalakas ng ating human resources lalo na ng mga guro ay isang "napapanahon at makabuluhang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan."
"Ang pagkakaroon ng trabaho lalo na sa hanay ng mga nagtuturo ay isang paraan para parangalan ang ating bansa na nag-aruga sa atin,“ dagdag pa niya.
Pinangungunahan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa isang flag-raising at wreath-laying sa Rizal Park sa Maynila. Kasama ni Pangulong Arroyo si Lapus na siyang co-chairman ng national organizing committee ng pagdiriwang. Magkakaroon ng sabay-sabay na pagtataas ng watawat sa iba't-ibang bahagi ng bansa sa araw na ito.
Sabi ni Lapus, “Habang lalo nating pinag-iibayo ang pagpapahusay sa mga sistema at proseso ng DepEd, patuloy din tayong nakatutok sa propesyonal na pag-angat at pagtutuok sa kapakanang pinansiyal ng ating mga guro.
Dagdag pa ni Lapus: “Ngayong taon, ang pagdiriwang ay nakapokus sa pagbibigay ng trabaho lalo na sa mga nawalan ng hanapbuhay dahil sa krisis pang-ekonomiya sa buong mundo.” Ang mga kontrata sa emergency employment ng mga non-teaching personnel sa mga paaralan ay magsisimula sa Hulyo hanggang Disyembre.
Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “Kagitingan, Kagalingan at Kasipagan Tungo sa Tunay na Kalayaan." Ang iba't-ibang ahensya ng pamahalaan ay magsasagawa ng mga programang magbibigay-trabaho at pangkabuhayan sa iba't-ibang lugar sa bansa.
Ayon kay Lapus, Imbitado ang publiko sa mga libreng palaro, sine at iba pang mga palabas na pangkultural dito sa Metro Manila at sa mga makasaysayang lugar sa buong Pilipinas.
Kasama sa pagdiriwang ang makasaysayang simbahan ng Barasoain sa Malolos Bulacan na dadaluhan din ni Lapus.
Binubuo ng DepEd, Department of Labor and Employment, Office of the President, Department of Tourism, Department of Interior and Local Government at National Historical Institute ang National Organizing Committee ngayong taon.
Hinihikayat ng DepEd ang mga guro na pag-usapan sa klase ang mga makabuluhang pangyayari sa ating kasaysayan na nagbigay daan sa ating kalayaan. Maaari rin silang magsagawa ng mga essay writing contest, postermaking, oratorical o declamation contests sa mga paaralan.
Samantala patuloy ang DepEd sa kampanya nito sa tamang paglagay ng pambansang watawat at ang tamang paraan sa pag-awit ng ating pambansang awit.



